Nora Aunor: ‘Kalimutan na natin ang National Artist na ‘yan’

MANILA — Nagsalita na si Nora Aunor sa hindi niya pagkakasama sa listahan ng mga bagong National Artist.

Sa statement na nakuha ni Mario Dumaual ng ABS-CBN News, ibinahagi ni Nora ang kanyang saloobin sa nasabing isyu.

“Sapat na sa akin ang respetong natatanggap ko sa mga kasamahan ko sa trabaho. Kung gagamitin lang naman ang National Artist para pagpiyestahan at hamakin ang mga personal kong pagpupunyagi sa buhay – ako na ang nakikiusap na itigil na natin ang lahat ng ito,” ani Nora.

“Ano ba naman ang isang award kung kapalit naman nito’y ang paulit-ulit na paghamak sa pagkatao ko at sa mga taong naniniwala sa akin? Mas makakabuti pong ipagpatuloy na lang natin ang paglikha ng makabuluhang pelikula at mga awit na magsisilbing inspirasyon sa ating mga Filipino,” dagdag ni Nora.

“Hindi ako ang binastos at pinaglaruan nila kundi ang mga Noranians, mga taong nagtitiwala at naniniwala pa rin sa talentong ibinigay ng Diyos sa akin. Isa pa, hindi ako politikong tao.”

Sa huli, nakiusap si Nora sa kanyang mga tagahanga na huwag nang masaktan sa nangyari.

“Tuloy lang ang buhay. Tuloy ang trabaho hangga’t binibiyayaan pa rin ako ng Diyos para makapagtrabaho. Kaya mga minamahal kong mga Noranians at mga kaibigan, huwag na kayong malungkot o masaktan,” ani Nora.

“Kalimutan na natin ang National Artist na ‘yan,” giit ng batikang aktres.

Noong 2014 ay inirekomenda rin si Nora para maging National Artist, pero hindi ito inaprubahan nang noon ay pangulong Benigno Aquino III dahil sa di umano ay pagkakadawit ng aktres at mang-aawit sa ipinagbabawal na gamot.